-- Advertisements --

CEBU – Sa kulungan ang bagsak ng isang tindera matapos diumanoy nagnakaw ito ng panty na kanyang binabantayan sa isang malaking department store sa Barangay Mabolo, lungsod ng Cebu.

Kinilala lang ang tindera na si Maria, 23 taong gulang at apat na buwang buntis.

Una rito, nagbabantay si Maria sa loob ng department store nang pinagpapawisan diumano ang kanyang kilikili.

Sa imbestigasyon ng pulisya, isinalaysay nito na wala siyang dalang panyo kaya ginamit niya ang isang panty upang ipunas sa pawis na pawis nitong kilikili ngunit hindi nito batid na nakita pala ng gwardya ng tindahan ang ginawa ng tindera.

Kinumpronta diumano ito ng gwardya at tinanong kung ano ang nasa kamay nito at sumagot itong panyo ang kanyang hawak ngunit hindi nito napaniwala ang gwardya.

Agad na dinala ng security personnel sa nasabing department store ang tindera sa Mabolo Police Station at doon panay ang paghingi nito ng patawad dahil hindi diumano nito intensyon ang magnakaw ng panty.

Ngunit nakapagdesisyon ang management ng mall na maghahain ng kaso laban sa kanilang empleyado.

Nabatid na nagkakahalaga ng P149 ang nasabing panty.