BACOLOD CITY – Nasampahan na ng kaso ang laborer na pumatay sa isang buntis na guro matapos nitong nakawan sa loob mismo ng kanilang bahay sa Sitio Canipaan, Barangay Banquerohan, Cadiz City, Negros Occidental.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Lt. Col. Rocky Desear, hepe ng Cadiz City Police Station, mag-isa lang sa kanilang bahay ang biktimang si Jessica Ducay dahil umalis ang kanyang mga magulang upang magdeliver ng softdrinks nang pumasok ang suspek na si Delleon Del Rosario.
Narinig ng mga kapitbahay na sumigaw ang biktima ngunit dahil hindi naman paghingi ng tulong ang kanyang sigaw, hindi na umano pinansin ng mga kapitbahay.
Pag-uwi ng kanyang mga magulang, nadatnan na lamang na duguan ang guro.
Maraming saksak ang tinamo ng biktima na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Natagpuan naman ng mga magulang na hinalungkat ng suspek ang mga gamit sa kanilang silid at nawawala ang P79,000 na pera.
Sa pagreview ng CCTV footage, nakitang si Del Rosario ang suspek sa krimen.
Nakatanggap ng impormasyon ang mga pulis na umuwi ang suspek sa bahay ng kanyang live-in partner sa Sitio Calong-Calong, Barangay Singcang Airport kaya’t binantayan ito hanggang nahuli kaninang madaling-araw.
Ayon sa suspek, wala itong pera sa kanyang kaarawan kaya’t napilitan itong magnakaw.
Hindi na narekober ng mga pulis ang P79,000 mula sa suspek.
Kaninang tanghali, isinailalim na sa inquest proceedings ang suspek sa kasong pagnanakaw at pagpatay.