CENTRAL MINDANAO-Napaanak sa pagamutan ang isang buntis sa strapping incident sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang biktima na si Noralyn Simon Matalam na walong buwang buntis at residente ng Sitio Titayan Barangay Poblacion Pagalungan Maguindanao.
Ayon kay Maguindanao Police Provincial Director Colonel Jibin Bongcayao na dalawang sasakyan umano na galing ng Pikit Cotabato ang dumaan at ito ay patungo sa direksyon ng bayan ng Kabacan nang bigla itong magpaputok gamit ang M16 Armalite rifles sa harap ng tahanan ng biktima.
Mabilis namang tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng probinsya ng Cotabato.
Agad dinala ang sugatang biktima sa isang pagamutan sa Midsayap Cotabato at napaanak ng di oras matapos ma-operahan.
Sinabi ni Mayor Datu Salik Mamasabulod na hindi ito ang unang insidente ng karahasan sa lugar dahil hinagisan din ng granada ang tahanan ng municipal administrator ng bayan ng Pagalungan.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Pagalungan Municipal Police Station sa naturang pangyayari.