TUGUEGARAO CITY – Kasalukuyan ang paglikas sa lahat ng mga residente sa isang barangay sa Abulug, Cagayan, dahil sa baha.
Sinabi ni Anatacio Macalan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, na agad silang tumugon sa tawag ng kapitan ng Daan Ili para ilikas ang mga residente sa gitna ng pagtaas ng tubig.
Ayon sa kanya, ang patuloy na pagtaas ng lebel ng tubig-baha sa Abulug ay bunga na rin ng mga tubig na nanggagaling sa mga kabundukan ng Calanasan Apayao at sa Abra bunga na rin ng mga pag-ulan.
Samantala, sinabi ni Chester Trinidad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakapamigay na sila ng mga relief goods at food packs sa 11 barangay na apektado ng kalamidad.
May sapat pa aniyang supply ng relief na handang ipamahagi sa mga mangangailangan lalo na ang mga nasa evacuation centers.
Dagdag ni Trinidad na may mga financial assistance ang DSWD para sa mga naapektuhan ng kalamidad.
Sa kabilang dako, inihayag ni Apayao Governor Eleanor Begtang na hanggang ngayon ay hindi pa nakukuha ang bangkay nina Board Member Chito Mangalao at P/Cpl. Romel Gumidam na natabunan ng landslide sa Kabugao.
Tuloy-tuloy man aniya ang clearing operations sa mga landslides, subalit nagiging maingat din ang operasyon dahil sa pagragasa ng mga putik at mga bato kapag bumubuhos ang ulan.
Ito rin daw ang kauna-unahang pagkakataon na naranasan ng malaking bahagi ng Apayao ang matinding pagbaha at mga landslides.
Sa ngayon ay bahagyang humupa ang buhos ng ulan at unti-unti na ring bumababa ang tubig-baha sa mga apektadong lugar sa Cagayan at Apayao.
Sa panig ni Pol. Lt. Col. Roderick Condag ng Apayao-Philippine National Police, pahirapan ang retrieval operation sa bangkay ng board member at pulis dahil sa mga landslide at aabutin ng anim na oras bagong marating ang ground zero.
Kasabay nito, nilinaw ni Condag na ang nawawala ay hindi ang treasurer sa Apayao na si Saring Carag, kundi ang isang James Carag ng Barangay Paragao, Kabugao.