-- Advertisements --

DAVAO CITY – Malapit nang maideklara ang probinsya ng Davao Oriental bilang insurgency-free province dahil sa unti-unting paghina ng presensya ng Guerilla Front 18 matapos mapatay ang limang myembro nito sa nangyaring engkwentro sa pagitan ng 701st Infantry Brigade ng 10th Infantry Division nitong Setyembre 11 at 13 sa Lupon at Banaybanay sa nasabing probinsya.

Kinumpirma mismo ito ng tagapagsalita ng 10IB na si Capt. Mark Anthony Tito sa naging panayam ng Bombo Radyo Davao.

Kung maalala, naideklarang insurgency- free ang halos lahat ng mga probinsya sa buong Davao Region maliban lamang sa Davao Oriental dahil sa presensya ng Guerilla Front 18.

Ngunit malaki din ang pagtitiyak ni Capt. Tito na tuluyan na itong nabuwag dahil ayon sa naging monitoring ng kasundaluhan, hindi na aabot sa limang indibidwal ang natitirang mga myembro nito na kasalukuyang nagtatago pa.

Noong Hulyo, sumuko sa pamahalaan ang front secretary ng guerilla na si Narivel Verana alyas Liway.

Samantalang apat na miyembro ng grupo ang sumuko rin noong nakaraang buwan ng Agosto.

Ipinagpapasalamat ng buong kasundaluhan ang suporta ng taumbauyan sa kanilang pagsuporta sa kanilang kampanya kontra insurhensiya.