-- Advertisements --
ursula1

TACLOBAN CITY – Naging literal na madilim at malamig ang pagsalubong ng kapaskuhan sa buong Eastern Visayas dahil sa pananalasa ng bagyong Ursula.

Ito ay matapos magdulot ng total blackout sa buong rehiyon at nawalan rin cellphone signal.

Sa ngayon ay hindi rin ma-contact ang linya sa ilang bahagi ng rehiyon na lubhang natamaan ng bagyo lalong lalo na sa Eastern Samar kung saan unang naglandfall ang bagyo.

Matapos ito, ay muling naglandfall ang bagyo sa Tacloban at Biliran kung saan ramdam ang malakas na hangin at ulan na nagdulot ng mga pagbaha at landslides sa ilang mga lugar na patuloy pang kinokompirma ng mga otoridad.

ursula2

Ilang mga kalsada rin ang nananatiling impassable dahil sa bagyo.

Sa ngayon ay nananatili sa mga evacuation centers ang libo-libong pamilya na biktima ng bagyo at mismo dito sa istasyon ng Bombo Radyo Tacloban ay may tatlong pamilya na nag-evacuate sa kasagsagan ng bagyo dahil sa takot na baka magkaroon ng storm surge.

Patuloy ring kinokompirma ang naitalang storm surge sa bayan ng Basey, Samar.

Samantala, kasabay sa pananalasa ng bagyo ay may naitalang sunog rin sa Tacloban kung saan naging pahirapan ang pagresponde ng mga otoridad dahil sa malakas na hangin at ulan.

Sa ngayon ay patuloy ang monitoring sa buong rehiyon sa epektong naidulot ng bagyong Ursula sa buong Eastern Visayas.