(Update) Malaking bahagi ng sikat na amusement park na Star City sa lungsod ng Pasay ang natupok ng apoy.
Mula pa kaninang alas-12:20 ng madaling araw ng magsimula ang sunog sa bahagi ng Snow World Attraction.
Itinaas hanggang sa task force bravo ng Bureau of Fire Protection ang alerto na nangailangan ng umabot sa 19 na mga bombero na siyang nagtulong tulong upang apulahin ang apoy.
Ayon kay Star City spokesman Atty. Rudolph Jularbal, posibleng sa taong 2020 na babalik sa normal na operasyon ang amusement park.
Nadamay rin sa sunog ang gusali Manila Broadcasting Corporation (MBC) kung saan nag-off air ang DZRH habang ang tuloy naman ang operasyon ng MBC FM stations tulad ng Love Radio, Yes FM, Easy Rock at Radyo Natin na pansamantala munang lumipat ang studio sa Ortigas area sa Pasig City.
Inaasahang babalik naman daw sa operasyon ang DZRH sa loob ng 48 oras.
Samantala walang nasaktan o nasugatan sa nasabing sunog at inaalam pang mabuti ng mga otoridad ang puno’t dulo.
Pero ayon kay Atty. Jularbal nagsimula ang sunog sa activity center at kumalat na ito patungo sa mga gusali ng MBC.
Sa kabilang dako nagtataka naman ang ilang opisyal ng BFP kung bakit hindi lamang sa iisang area naitala ang pagsisimula ng sunog.
May hinala sila sa posibilidad na may kinalaman ang arson sa insidente.