TACLOBAN CITY – Kaagad isinailalim sa quarantine ang lahat ng pulis na nakadestino sa Zumarraga, Samar, matapos na magpositibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ang isang preso.
Ayon kay Pol. Lt. Renato Gerona, acting Chief of Police ng Zumarraga-Philippine National Police (PNP), naaresto ang rape suspect noong Mayo sa Malabon at nitong nakaraang linggo ay sinundo ito ng apat na pulis upang ibalik sa kanilang lugar.
Bago pa man lumabas ang positive result ng swab test ng nasabing inmate ay inilagay muna ito sa lock up cell at ang mga pulis na nag-escort sa bilanggo pauwi sa kanilang lugar ay nakapag-duty pa sa kanilang istasyon.
Gayunman, ang pulis na nagkaroon mismo ng direktang kontak sa inmate ay nagnegatibo na sa nakakamatay na virus.
Sa ngayon ay nananatiling naka-isolate at naka-detene ang preso sa custodial facility ng Zumarraga.
Habang naka-quarantine naman ang lahat ng kapulisan sa bayan ng Zumarraga, mga force multipliers at interagency na muna ang nakatutok sa pagpapatrolya at pagpapanitili ng kapayapaan at kaayusan sa probinsya.