LEGAZPI CITY – Aabot na sa 3, 000 ang kaso ng mga nagkakasakit ng dengue sa lalawigan ng Albay.
Kaugnay nito, inirekomenda ng Albay Provincial Health Office ang pagsailalim ng buong lalawigan sa state of calamity.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Acting PHO head Dr. Antonio Ludovice, posibleng tumaas pa ang naturang kaso habang tuloy-tuloy naman ang isinasagawang validation sa mga pagamutan.
Kabilang sa may matataas na kaso ng dengue ang mga bayan ng Daraga, Tiwi, Pioduran, Guinobatan at Legazpi City habang 10 na rin ang naitalang namatay dahil dito.
Nagpulong na ang PHO at Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) para sa rekomendasyon lalo na’t idineklara na ang national dengue epidemic.
Ayon kay Ludovice, hindi na hihintaying patuloy pang tumaas ang kaso kaya’t gagamitin ang quick response fund (QRF) sa pagbili ng mga logistics na kokontra sa pagkalat ng dengue virus.
Kahapon pa umano ipinadala ang endorsement letter sa tanggapan ni Governor Al Francis Bichara habang inaasahang tatalakayin na sa session anumang araw.