-- Advertisements --

DAVAO CITY – Isinailalim na sa State of Calamity ang buong probinsya ng Davao de Oro, isang linggo matapos nangyari ang dalawang magkakasunod na lindol noong Marso 7, ngayong taon.

Ito ay dahil sa Resolution No. 0556-2023 na isinumite noong Marso 11, at pormal nang inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan kung saan ipinanawagan ngayon ang tulong mula sa ibat-ibang ahensya ng gobyerno upang matugunan ang iba pang pangangailangan ng mga apektadong residente.

Ayon sa Republic Act 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010, aabot sa tatlumpung porsyento ng local disaster risk reduction management fund ng probinsya ang magagamit bilang Quick Response Fund upang maisakatuparan ang mga recovery programs bilang tulong sa mga nasalanta ng naturang sakuna.

Sa kabilang banda, naitayo na rin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology – Department of Science and Technology (PHILVOCS-DOST) ang kanilang seismograph device malapit sa Lake Leonard Kniaseff sa Barangay New Leyte, Maco, Davao de Oro. Ang naturang apparato ay may kakayahang makapagtala ng mga up to date activities malapit sa lawa. Iyon ay upang matutukan ang hinihinalang seismic activity sa naturang lawa.

Matatandaang nag-deploy na ng dalawang teams ang PHILVOCS upang matutukan ang pinsala sa mga earthquake affected areas ng probinsya, maging ang hinihinalang volcanic activity ng Mt. Leonard Kniaseff. Ayon sa Provincial Risk Reduction Management Council, umabot na sa 229,647 na mga pamilya at nasa 194,057 namga kabahayan sa buong probinsya ang naitalang apektado matapos manalasa ang magnitude 5.9 na lindol.

Umabot na sa mahigit P265 million ang kabuuang danyos ng mga nasirang imprastraktura, kasali diyan ang nasa mahigit isangdaan at animnapung paaralan at iba pang gusali. Samantala, ayon sa huling datos ng Office of Civil Defense Davao Region as of 2AM of March 13, naitala ang nasa 1,516 na mga pagyanig, kung saan 36 lamang ang nararanasan sa buong probinsya.