Sinibak sa pwesto ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde ang lahat ng personnel ng Caloocan Police Station.
Tinatayang nasa 1,000 puwersa ng mga pulis ang naka-assign sa Caloocan.
Paliwanag ni Albayalde ang dahilan kung bakit sinibak ang lahat ng mga pulis ay dahil sa sunod-sunod na kontrobersiya na kinasasangkutan ng nasabing himpilan.
Ayon kay Albayalde, sisimulan muna ang pag-relieve sa pwesto sa mga pulis na naka-assign sa Police Station 7 at susunod na ang iba pang istasyon.
Sinabi ng heneral na ang papalit sa pwesto pansamantala sa mga sinibak na pulis ay mga miyembro ng Regional Public Safety Battalion (RPSB) at mga contingent mula sa Civil Disturbance Management (CDM).
Dagdag pa ni Albayalde, kaniyang isasailalim sa re-training ang mga nasabing pulis.