Nakipagpulong ang mga opisyal ng Bureau of Customs Project Management Unit (BOC-PMU) sa mga kinatawan ng World Bank at pinag-usapan ang mga bagay para mas mapabuti pa ang mga serbisyo lalo na sa Manila International Container Port (MICP).
Sa isang pahayag, sinabi ng Bureau of Customs na ang mga kinatawan ng World Bank sa pangunguna ni Alexandre Hugo Laure ay ipinakilala sa iba’t ibang proyekto na kasalukuyang ipinatutupad sa ilalim ng Philippine Customs Modernization Project.
Ang proyekto ay naglalayong pagbutihin ang kahusayan sa pagpapatakbo ng kagawaran habang binabawasan ang mga trade costs.
Ang inisyatiba ay magpapalakas din sa kalagayang pang-ekonomiya ng bansa.
Ang koponan ay nagkaroon din ng walk-through sa Customer Care Center upang siyasatin ang pagproseso ng mga dokumento sa Port at pinadali ang pagbisita sa site ng mga pasilidad ng Manila International Container Port (MICP) at isang run-through ng mga proseso ng International Container Terminal Services Inc. (ICTSI) upang tapusin ang paglilibot o tour.
Sa nakalipas na ilang taon, sinimulan ng BOC ang isang agresibong programa sa modernisasyon hindi lamang para mapabuti ang mga serbisyo nito kundi para matugunan ang mga alalahanin na may kaugnayan sa korapsyon–isang negative tag na humahabol sa BOC sa mga nakaraang taon.
Sinabi ni BOC Commissioner Yogi Filemon Ruiz na sinimulan na nila ang proseso ng digitalization upang mabawasan ang ugnayan ng mga empleyado ng BOC at mga kliyente nito.