-- Advertisements --

Nakumpiska ng mga ahente ng Bureau of Customs (BOC) ang humigit-kumulang P10 billion halaga ng mga pekeng bag, sapatos at iba pang produkto nang lumusot sila sa isang storage facility sa Binondo, Manila.

Ayon kay Bureau of Customs Commissioner Bienvenido Rubio, ang operasyon sa pangunguna ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) ay naganap kasunod ng kumpirmadong intelligence report tungkol sa pagkakaroon ng mga pekeng produkto sa lugar ng Binondo.

Sa pirmadong Letter of Authority na nilagdaan ni Rubio, sinalakay ng mga ahente ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port ang naturang lugar kasama ang mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Philippine Coast Guard at Task Force Aduana.

Sa pag-iinspection sa bodega, nakita ng team ang mga pekeng imported na sari-saring damit, sapatos, general merchandise, kitchenware, electronics, at beauty products.

Dagdag ni Rubio na pansamantalang nilagyan ng padlock at sinelyuhan ng kanyang mga tauhan ang bodega matapos madiskubre ang mga pekeng gamit sa loob.

Ang naturang operasyon sa Binondo ay ang pinakahuling serye ng mga pagsalakay at inspection na isinagawa ng Bureau of Customs mula nang maupo si Rubio sa nangungunang posisyon ng ahensya noong nakaraang buwan.