-- Advertisements --
image 215 1

Umaasa ang Bureau of Customs (BoC) na masisiyahan ang mga kaanak ng overseas Filipino workers (OFWs) sa kanilang pangakong maide-deliver na ang mga balikbayan boxes sa kalagitnaan ng buwan ng Disyembre.

Una rito, nagpasalamat si Overseas Filipino Workers (OFW) Party-list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino sa Bureau of Customs (BoC) dahil sa kanilang commitment na i-deliver na ang mga abandonadong balikbayan boxes sa bahay ng mga pamilya ng mga overseas Filipino workers (OFW’s) sa mid-December.

Sinabi ni Magsino na ito raw ang ipinangako ng Customs nang makipagpulong ito kay BOC Director Michael Fermin.

Sa kabila naman ng pagkakaantala sa delivery ng mga balikbayan boxes ay sigurado umanong mag-e-enjoy ang mga pamilya ng mga Pinoy workers sa kanilang padalang mga regalo.

Una rito, naghain ng House Resolution 499 si Magsino bilang tugon sa pagtaas ng mga international shipping scams.

Halimbawa na lamang dito ang mababang rate para sa processing fees ng mga freight forwarders abroad sa mga OFWs pero ang kanilang partner de-consolidators o local freight forwarders sa Pilipinas ay wala namang natatanggap na pondo para iproseso at i-release ang mga balikbayan boxes sa BOC.

Dahil dito ay hindi na naide-deliver ang mga balikbayan boxes.

Marami na rin umanong mga natatanggap na mga reklamo sa late delivery o abandonment ng mga balikbayan boxes.

At kung mai-deliver man umano ang mga balikbayan boxes ay marami nang mga items ang nawawala o lalabas na ito ay ninakaw matapos ma-tamper ang packaging ng mga boxes.

Base sa data nasa kabuuang 32 containers na naglalaman ng 6,693 balikbayan boxes ay iniwan ng mga consolidators at de-consolidators mula August 2021 hanggang July 2022.

Maliban dito, mayroon din umanong anim na containers ang sumasailalim na sa inventory.

Pinag-usapan din daw ni Magsino at Fermin ang direktiba ni Commissioner Yogi Filemon Ruiz na ang lahat ng mga balikbayan boxes ay ie-exempt na sa 100 percent intrusive examinations.