Ikinababahala ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco ang umano’y madaling access ng mga Chinese migrants para makakuha ng Philipine citizenship.
Ginawa ng opisyal ang pahayag kasunod ng pagkakaharang ng mga immigration personnel sa isang Chinese na pinabalik sa Pilipinas matapos siyang mailigtas mula sa sindikato ng human trafficking sa Myanmar.
Ang naturang Chinese, na binigyan ng alias bilang ‘King’, ay naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos siyang magpakilala bilang isang Pinoy pagkapasok sa bansa ngunit sa naging imbestigayon ng mga immigration personnel ay isa pala itong Chinese.
Lumalabas na si alias King ay umalis sa Pilipinas noong July 2023 papuntang Thailand gamit ang isang Chinese passport.
Siya ay narecruit umano upang magtrabaho sa tinungong bansa at gumamit ng Chinese passport upang hindi siya tatanungin ng immigration doon kung ano ang layunin ng kaniyang biyahe.
Pagkarating sa Thailand, tumawid siya papuntang Myanmar kasama ang tatlong iba pa. Gayunpaman, binayaran lamang umano siya ng isang buwan habang tuloy-tuloy nang pinaparusahan.
Tuluyan naman siyang nakawala sa mga recruiter matapos umano siyang magbayad ng 20,000 baht o katumbas ng P2,000.
Gayunpaman, pagkatawid sa Thailand ay muli din siyang hinuli ng immigration at ikinulong ng tatlong buwan.
Kwento pa ni Commissioner Tansingco, natakot umano si alias King na mai-deport sa China kung ginamit muli niya ang kanyang Chinese passport kayat idineklara niyang hindi pa siya bumibiyahe sa China.
Ikinuwento pa niyang dinala siya ng kanyang nanay sa Pilipinas noong 6 months old pa lamang siya at sa Pilipinas na sila nanirahan.
Nabigyan naman siya ng travel documents ng Embahada ng Pilipinas sa Bangkok at kinalaunan ay na-deport sa Pilipinas, hanggang sa tuluyan ding naharang sa immigration.
Ayon kay Commissioner Tansingco, mistulang napakadaling makakuha ng citizenship ang mga Chinese, at nakakabahala ang ganitong sitwasyon.
Tinawag din ito ng Immigration chief bilang national security concern, na dapat mabantayan at matutukan.