Inatasan na ni Department of Health Secretary Ted Herbosa ang Bureau of Quarantine na magsagawa ng masinsinang screening sa points of entry para sa mga pasaherong nagmula sa ibang bansa kung saan na-detect ang bagong COVID-19 “FLiRT” variants.
Kaugnay nito, kinumpirma ni Department of Health (DOH) spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo na inilagay na ang lahat ng BOQ stations at iba pang mga ahensiya sa heightened alert sa bisa ng BOQ Memorandum No. 2024-48.
Nakasaad din sa naturang memorandum na dapat obserbahan ng publiko ang basic health measures gaya ng regular na paghuhugas ng kamay, tamang pag-ubo, iwasan ang matataong lugar at magkaroon ng contact sa mga taong may flu-like symptoms.
Ayon sa DOH, lahat ng mga rehiyon sa bansa ay nananatiling nasa low risk para sa COVID-19 sa kabila ng naobserbahan na bahagyang pagtaas sa mga kaso kamakailan at namonitor na bagong variants sa ibang mga bansa.
Sa kabila naman ng paglitaw ng bagong variants, sinabi ni Sec. Herbosa na hindi inirerekomenda sa ngayon na magpatupad ng restriksiyon sa biyahe o border control.
Nagpaalala naman ang BOQ sa mga biyahero na kumpletuhin ang health questionnaire sa e-travel app. Inaabisuhan din ang mga mayroong sintomas ng COVID-19 na sumailalim sa home isolation.
Ang KP.2 at KP.3 o mas kilala sa tawag na “FLiRT” covid-19 variants ay under monitoring ng World Health Organization. Ito ay descendants ng JN.1, isang variant of interest na responsable sa pagtaas ng impeksiyon ng naturang virus sa unang bahagi ng 2024.