LEGAZPI CITY- Tiniyak ng Department of Health (DOH) Bicol na mahigpit na tinututukan ang crew members ng isang tug boat na inaasahang dadaong sa Albay, na sinasabing positibo sa COVID-19.
Ayon kay DOH Bicol COVID-19 program coordinator Dr. Lulu Santiago sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ang Bureau of Quarantine ang mamumuno sa pag-handle sa nasabing sitwasyon.
Tiniyak ng tanggapan na hindi makakababa at magdudulot ng mas maraming infection ang 12 crew na una nang nagpositibo sa COVID-19 kaya wala aniya na dapat ikatakot ang publiko.
Maaalala na una nang sinabi ng ahensya na iniimbestigahan ang dahilan ng naturang crew sa pagpunta sa lalawigan.
Samantala, nanawagan din si Santiago sa publiko na agad na ipagbigay alam sa mga awtoridad kung sakaling may kaparehong sitwasyon upang hindi makompromiso ang kaligtasan ng nakararami.
Sa hiwalay na panayam, sinabi ng office of Civil Defense (OCD) Bicol na nakikipagtulungan naman ang sea vessel owner sa mga lokal na opisyal sa lalawigan.