DAVAO CITY – Tiniyak ng Bureau of Quarantine Region 11 na hihigpitan na rin nila ang pag-monitor sa mga airport at seaport sa lungsod para masiguro na hindi makapasok ang new coronavirus na mula sa Wuhan, China.
Ayon kay Dr. Wilson Lim, medical officer 4 ng Davao station, isa sa kanilang ginawang hakbang ay ang paglalagay ng thermal scanner sa airport para agad na ma-monitor ang mga pasahero na galing sa China lalo na ang mga may sintomas gaya ng lagnat at iba pa.
Maliban sa China, binabantayan din nila ang mga pasahero na mula sa Hong Kong lalo na at may direktang flight dito sa Davao.
Kung may mga sintomas ang pasahero, agad nila itong isasailalim sa isolation para maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Nanawagan na lamang si Dr. Lim na maghugas ng kamay, takpan ang bibig kung uubo at iwasan ang pagpunta sa lugar na maraming tao.