Tiniyak ng Bureau of Quarantine (BOQ) na hindi na magkakaroon pa ng delay sa paglalabas ng mga resulta ng COVID-19 RT-PCR test ng mga kababayan pauwi sa Pilipinas mula sa ibang bansa.
Ayon kay BOQ Deputy Director Dr. Roberto Salvador Jr., sa loob lamang ng 24 oras ay nakapagsumite na ng mga resulta ng nasabing COVID tests ang mga laboratoryo sa bansa.
Paliwanag niya, ang nangyaring pagkaantala ng mga swab test result ay naranasan lamang aniya noong maraming nagpostibo sa COVID-19 at kumalat ang Omicron variant sa halos lahat ng mga kawani ng mga ahensiya ng gobyerno, at maging sa mga pribadong laboratoryo din.
Dahil dito ay napilitan aniya ang ilang mga laboratoryo na pansamantalang magsara dahil sa kakaunting kapasidad nito dahil sa kakulangan sa tao na nagbunsod naman aniya ng pagkaantala sa paglalabas ng mga resulta ng COVID-19 RT-PCR tests.
Sinabi naman ng opisyal na sa kasalukuyan ay nasa 3,000 arrivals ang bilang ng mga daily average capacity ang kanilang naitatala kung saan ay nasa 300 na mga indibidwal ang naitatalang nagpopositibo kada araw.
Samantala, tiniyak naman niya na nakapagsampa na ng kaso ang kanilang kagawaran sa National Bureau of Investigation (NBI) patungkol sa mga indibidwal na lumabag sa mga quarantine protocols at tumakas sa kanilang quarantine hotels o isolation facilities.
Nagpapatuloy pa rin naman aniya ang kanilang isinasagawang pagdadag sa mga isolation facilities para sa mga returning overseas Filipinos (ROF) maging ang kanilang isinasagawang mahigpit na pagbabantay at pagpapatupad ng seguridad sa mga ito katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan.