Tiniyak ng Bureau of Treasury sa publiko na hindi gagamitin sa kontrobersiyal na panukalang Maharlika Investment Fund ang pondo ng gobyerno para sa social services sa gitna ng pagkabahala kaugnay sa naturang isyu.
Ayon kay National Treasurer Rosalia de Leon, bagamat P50 billion mula sa seed funding ng MIF ay magmumula sa pamahalaan, hindi nito gagalawin ang pondong nakalaan para sa social programs sa halip ay kukunin ito mula sa dibidendo ng Bangko Sentral ng Pilipinas at Philippine Gaming Corporation (Pagcor).
Sa katunayan, maaari pang makapag-ambag kalaunan ang Maharlika ng dagdag na suporta para sa ating health sector katulad sa health care na magiging commercially viable o maaaring makapag-generate ng revenue.
Maaari din aniyang kumuha ang pamahalaan ng pondo para sa Maharlika sa pamamagitan ng proceeds mula sa privatization at paglilipat ng public assets.
Una rito, base sa inaprubahang bersyon ng Kongreso, ang Maharlika fund ay magkakaroon ng inisyal na kapital na P500 billion mula sa central bank, gaming revenues at 2 bangko na pagmamay-ari ng gobyerno.
Inihayag naman ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr ngayong linggo na kaniyang lalagdaan ang panukalang batas para sa paglikha ng Maharlika Investment Fund sa lalong madaling panahon subalit kailangan pa nitong busisiing maigi ang mga ginawang pagbabago ng Congress sa inaprubahang bersyon ng sovereign welath fund na ayon sa Pangulo ay kailangang maging independent mula sa gobyerno upang maging matagumpay.