BAGUIO CITY – Binuksan na ang mga pangunahing parke sa Baguio City sa mga residente ng lungsod kasabay ng pagdiriwang ng ika-111 charter anniversary ng City of Pines nitong Martes.
Partikular na binuksan ang boating at pagbibisikleta sa Burnham Park at horseback riding sa Wright Park kung saan, tatagal ito ng tatlong araw bilang dry-run bago ang pormal na pagbubukas ng mga parke ng lungsod sa Biyernes, September 4.
Samantala, kahapon ay pinirmahan ang isang Memorandum of Understanding sa pagitan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Baguio City at Region 1 o Ilocos Region para sa pagsisimula ng tourism bubbles sa pagitan ng Baguio City at Region 1 na tatawaging “Ridge to Reef Tourism Bubble” na sinaksihan mismo ni Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat.
Ayon kay Puyat, bahagi ito ng dahan-dahan, maingat at ligtas na pagbubukas ng industriya ng turismo ng Northern Luzon, partikular ng Baguio City, Ilocos Sur, Ilocos Norte, Pangasinan at La Union.
Aniya, ang mga lalawigan at lungsod na kasama sa planong tourism bubble ay nasa modified GCQ, may mababang peligro at contained cases ng COVID-19.
Gayunman, nilinaw niya na hindi pa rin mawawala ang mga health protocols na dapat sundin ng mga turistang tutungo sa mga lugar na kasama sa Memorandum of Understanding.
Ikinatuwa naman ng mga opisyal ng Region 1 at ng Baguio City ang nasabing plano dahil ito ang bubuhay sa kanilang turismo kung saan maitataguyod dito ang mga beaches at iba pang tourist spots sa Region 1 at ang mga tourist spots at ng malamig na klima ng Baguio City.