CAGAYAN DE ORO CITY – Agad binisita ng mga kaanak, mga kaibigan at ibang kakilala ang unang gabi ng burol sa labi ni Philippine Military Academy (PMA) Cadet 4th Class Darwin Dormitorio sa Cosmopolitan Funeral Parlor sa Capistrano Street, Cagayan de Oro City.
Ito ay matapos dumating na sa lungsod mula PMA ang bangkay ng 20-anyos na kadete na kinuha mismo ng kanyang pamilya sa Baguio City.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ng panganay na kapatid ni Darwin na si Dexter Dormitorio na magtatagal ang burol ng hanggang apat na araw bago ito ihatid sa huling hangtungan.
Sinabi ng pamilya Dormitorio na malaking kawalan sa kanila ang bunso nilang anak lalo pa’t pinangarap talaga nito maging opisyal ng militar para makapaglingkod sa bayan.
Sa ngayon, umiwas muna ang pamilya na magkomento sa kasalukuyang imbestigasyon na ginawa ng PNP at National Bureau of Investigation ukol sa pangyayari.
Kung maaalala, mismong sinabi ng PNP na hazing ang ikinamatay ni Domitorio sa loob ng akademya.