-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Sasampahan ng pulisya ng mga kasong kriminal ang dalawang drayber na sangkot ng madugo na banggaan ng passenger bus at freezer wing van kung saan nag-resulta ng tatlong pasahero ang nasawi at 32 ang sugatan sa Purok 1,Barangay Maputi,Naawan,Misamis Oriental.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Naawan Police Station commander Major Belmer Alinas na batay sa imbestigasyon,ang Super 5 bus na minaneho ni Arnold Allanic ang pumasok ng opposite lane kung saan binaybay rin ng drayber ng wing van na si Jolly Pilones kaya nagkasalpukan.

Sinabi ni Alinas na dahil sa lakas ng impact,nahulog sa bangin na mayroong ilang metro ang lalim mula sa main highway ang bus kaya nagka-head injuries ang tatlo sa mga pasahero at dead on arrival pagdating sa pagamutan.

Mahaharap ng kasong reckless imprudence resulting into multiple homicide;multiple physical injuries at damaged to properties ay sina Pilones at Allanic.

Magugunitang kabilang sa mga nasawi ay menor de edad na nagngangalang Jasper; Anthony Reyes at isa pang hindi kilala na lalaki na nagmula Misamis Occidental.

Papuntang Dipolog City ang bus mula public terminal habang papasok naman ang wing van galing Iligan City sa syudad nang magkabanggaan pagdating sa lalawigan.