LEGAZPI CITY – Nakikipag-ugnayan na ang Legazpi City Public Safety Office sa Land Transportation Office (LTO) sa lungsod upang makilala at mabigyan ng kaukulang aksyon ang isang bus na nagtapon ng dumi mula sa portable comfort room sa bahagi ng Imelda Roces Avenue ng Brgy. Cruzada.
Nag-ugat ito sa viral post ng isang netizen na nagreklamo matapos maaktuhan ang bus na nagtapon ng CR waste sa kalsada malapit lang sa isang hotel.
Dakong alas-9:00 kagabi nang mangyari ang insidente habang naglalakad ang concerned citizen kasama ang alagang hayop.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay City PSO head Rolly Esguerra, pinapa-trace na umano ni LTO Legazpi chief Grace Rojas ang mga dumating na bus sa terminal sa nasabing oras.
Maging ang PSO ang nagre-review na rin ng CCTV footages sa nasabing oras upang makuha ang plaka at pangalan ng bus driver.
Giit ni Esguerra na dapat na maging “eye opener” ang insidente na mali ang ginawa ng bus dahil sibilisadong lugar ang Legazpi at dapat na sa CR na lamang ng terminal itinapon ang CR waste.
Nagpasalamat pa ito sa netizen na nagpost ng nasabing reklamo.