-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Patuloy pang kinikilala ng pulisya ng Bislig City, Surigao del Sur, ang identity ng dalawang lalaking namatay matapos lamunin ng apoy ang kanilang motorsiklo nang ito’y sumalpok at pumailalim pa sa isang bus.

Ang bus ay pag-aari ng Bachelor Express Inc. at minamaneho ng isang Daniel Dietez, 38-anyos, may asawa at residente ng Purok 5, Barangay Sto Niño, Kinamayan sa bayan ng Sto. Tomas, Davao del Norte.

Ayon kay Police Master Sergeant kon PMS Yudelou Gascon, imbestigador ng Bislig City Police Station, biglaan ang nangyari pagsapit nila sa kurbadang bahagi ng Purok 2, Barangay San Jose ng naturang lungsod, sanhi ng pag-aapoy nito kung kaya agad na ipinalabas ang lahat ng 19 na mga pasahero.

Dahil sa sobrang bilis ng pangyayari ay hindi na nakuha pa ang dalawang biktima sa ilalim ng bus kaya kasama ito sa nasunog na dalawang sasakyan kung saan nadamay pa ang isang kubo sa gilid ng kalsada.

Dagdag pa ng opisyal, kanila na umanong pinoproseso ang identity ng dalawang biktima matapos na lumapit sa kanilang tanggapan ang nagpakilalang mga kasamahan nila sa trabaho habang inantay pa ang pag-claim ng kanilang mga kaanak sa kani-kanilang bangkay.