-- Advertisements --

Todo depensa ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa nakatakdang implementasyon ng fixed na sahod ng mga bus drivers at konduktor sa darating na Linggo, March 9.

Ito’y kasunod ng pag-alma mula sa ilang bus operator at bus companies.

Sa isang panayam iginiit ni Labor Sec. Silvestre Bello III na 2012 pa umiiral ang kautusan sa ilalim ng Department Order No. 118, pero naantala lang matapos iakyat sa Korte Suprema ng ilang bus operators ang kanilang apela.

Gayunpaman, may ilan pa rin naman daw na sumunod sa kautusan.

Sa March 14 magpapatawag daw ng meeting ang DOLE sa mga personnel ng city at provincial buses, kasama ang ilang labor groups hinggil sa muling implementasyon ng naturang fixed salary matapos katigan ng Kataas-taasang Hukuman ang panig ng kagawaran.

Ilan umano sa mga tatalakayin sa pagpupulong ay ang mga benepisyo at regularisasyon na kaakibat ng fixed salary sa mga driver at konduktor.