-- Advertisements --

CEBU CITY – Ilang oras bago salubungin ang Bagong taon, nagkaroon ng masusing pag-inspeksyon ang Police Regional Office-7 sa mga matataong lugar kabilang ang mga terminal at transportation hubs, pampublikong merkado at sa mga firecracker at pyrotechnic stalls nitong lungsod ng Cebu.

Layunin pa nitong masuri ang pagiging epektibo ng ipinatupad na mga hakbang sa seguridad at tiyakin ang kaligtasan publiko.

Binigyang-diin pa ni PRO-7 Director PBGen Roy Parena ang pangako ng kapulisan sa rehiyon upang tugunan ang mga emerhensiya, kabilang ang mga may kaugnayan sa mga insidente ng paputok.

Tiniyak naman nito na sapat ang bilang ng pulisya na ipinapakalat sa mga matataong lugar upang matiyak ang isang ligtas na kapaligiran.

Hinikayat naman ni Parena ang publiko na maging maingat, manatiling mapagmasid, at iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa mga awtoridad.

Nauna na ring nanawagan ang kapulisan ng lungsod laging mag-ingat kasabay ng selebrasyon, iwasang gumamit ng paputok kapag lasing, at pinaalalahanan din nito ang mga magulang na bantayan ang mga anak upang maiwasan ang anumang aksidente at ligtas na salubungin ang bagong taon.