Nagbabala si Australian Prime Minister Scott Morrison na posible pang umabot ng ilang buwan ang mapaminsalang bushfires sa kanilang bansa.
Kasabay nito, sinabi ni Morrison na magtatatag sila ng isang recovery agency upang tulungan ang mga biktima na nawalan ng tahanan at pangkabuhayan dahil sa napakalaking sunog.
Ayon kay Morrison, maaaring magtagal ng hanggang dalawang taon ang bagong tatag na ahensya upang umalalay din sa pagbangon ng kanilang mga mamamayan mula sa aspeto ng imprastruktura hanggang sa mental health support.
Bago ito, inulan ng samu’t saring batikos ang opisyal dahil sa paraan ng pagtugon nito sa krisis.
Nag-ugat ang isyu sa pagbabakasyon nito sa Hawaii noong nakalipas na Disyembre kahit na nagdeklara ito ng national disaster ilang araw bago ito umalis sa Australia.
Kamakailan lamang din ay muling binato ng kritisismo si Morrison dahil sa umano’y pamumulitika nito sa mas pinalakas nilang puwersa upang sugpuin ang sakuna.
Ibinunyag kasi ng pinuno ng New South Wales (NSW) state Rural Fire Services na nalaman lamang daw niya ang planong pagtawag sa mga reserve troops sa media, na lumikha rin ng kalituhan.
“I was disappointed and I was frustrated in the middle of what was one of our worst (fire) days ever on record with massive dislocation and movement of people and a focus on really difficult weather,” wika ni NSW Rural Fire Service Commissioner Shane Fitzsimmons.
Sa ngayon, nasa 24 katao na ang nasawi mula nang sumiklab ang bushfire noong Setyembre.
Pumalo rin sa pinakamababang lebel ang air quality sa kabisera ng bansa na Canberra. (BBC)