CENTRAL MINDANAO- Nagsagawa ng business forum ang Galing Sayap Group of Entrepreneurs (GSGE) para sa mga Micro, Small and Medium Entrepreneurs (MSMEs) sa Midsayap, Cotabato.
Dinaluhan ito ng mga negosyante sa iba’t ibang business-industry tulad ng agri-business, contruction, architecture, food service, buy and sell at live events.
Tinalakay sa naturang forum ang iba’t ibang mga sitwasyon na nakaapekto sa lokal na ekonomiya sa nabanggit na bayan tulad ng Rice Tarrification Law na nagpahina sa bentahan ng lokal na palay at bigas sa merkado; Investment Scams tulad ng KAPA at Rigen na lalong nagpalugi sa mga negosyanteng umasa sa pay-out mula rito; pagpapatayo ng Mega Market na naging sanhi ng pagkalugi ng mga dating nagtitinda rito matapos na ma-relocate; Traffic Rules and Management na itinuturing umano na anti-business at anti-consumer; pagbabawal sa mga trisikad/tricycle sa national highway; road repair and contruction; African Swine Fever (ASF) na nagpahina sa sektor ng pork meat industry sa bayan; at ang kasalukuyang krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
Sa nararanasang pandemiya sa ngayon, nagpahayag si dating Board Member Rolly ‘Ur da Man’ Sacdalan, GSGE Board of Trustee, na bumaba ng halos 30 to 40 percent ang kita ng mga negosyante sa bayan na pinalala pa ng mahigpit na seguridad sa border control na nagpabalam sa paghahatid ng mga kinakailangan supplies.
Nananawagan naman si GSGE-BOT Jeanette Gobiao sa lokal na pamahalaan na bigyang-pansin din ang mga problema sa mga katulad nila na nasa MSME.
Samantala, nilinaw naman ni GSGE-BOT Mabelle Lynell Calungsod na ang naturang grupo ay binuo ng mga MSME sa Midsayap bilang pagtalima sa kautusan ng pamahalaan na bumuo nito sa bawat bayan.
Pinasinungalingan ni Calungsod ang umano’y alegasyon na binuo ito ni Rolly Sacdalan upang gamitin sa pansarili nitong interes na naging dahilan umano kung bakit hindi pinapansin ng lokal na pamahalaan ng Midsayap ang mga suhestiyon at mga hinaing ng grupo.
Ang grupo ng mga MSME sa bayan ng Midsayap ay tinawag ng Galing Sayap Group of Entrepreneurs na binuo nito lamang nakaraang taon at kasalukuyang pinamumunuan ng presidente nitong si Raquell Gamallo.