-- Advertisements --

Dapat umanong tiyakin ng pamahalaan na magiging available ang COVID-19 vaccine sa mga empleyado ng mga maliliit na negosyo sa bansa.

Ayon kay Benedicto Yujuico, presidente ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), marami raw kasi sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) ang walang kakayanan na makabili ng bakuna para sa kanilang mga kawani.

Mayorya din aniya sa mga negosyong ito ang dumanas ng hirap ngayong may pandemya.

Tanging mga malalaking korporasyon lamang din umano ang may kapasidad na makapagbigay ng libreng bakuna para sa kanilang mga empleyado.

Kaya naman, dapat umanong tumulong ang gobyerno upang maturukan din ng bakuna ang mga manggagawa sa mga maliliit na negosyo.

Sa panig naman ni Presidential Adviser on Entrepreneurship Joey Concepcion, hindi raw kassama ang small and medium enterprises sa unang batch ng private companies na bibili ng bakuna.

Pero sinabi ng kalihim, kasama naman daw sa ikalawang batch ng mga pribadong kompanya na kukuha ng COVID-19 vaccines ang ilang mga maliliit na negosyo.