-- Advertisements --

Ipapakansela ni Interior Sec. Eduardo Año ang business permits ng Chuzon Supermarket sa Porac, Pampanga matapos gumuho ang gusali nang mangyari ang magnitude 6.1 na lindol sa Luzon kahapon.

Sa isang panayam, sinabi ni Año na magpapadala siya ng memorandum sa lokal na pamahalaan ng Porac para pansamantalang suspendihin ang business permits ng Chuzon Supermarket.

Tatagal ito hanggang mailabas na ang infrastructure audit at review sa gumuhong gusali upang makaiwas na rin sa pagkasawi ng iba pang tao sa oras na magkaroon muli ng lindol.

Nabatid na apat katao ang binawian ng buhay habang ilang dosena naman ang napaulat na nawawala makaraang gumuho ang apat na palapag na supermarket nang mangyari ang lindol.