ILOILO CITY – Opisyal nang kinansela at binawi ng Business Permits and Licencing Office ng Iloilo City Government ang business permit ng Panay Electric Company na siyang dating electric power provider sa lungsod.
Batay sa inilabas na executive order na nilagdaan ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas, nakasaad na walang Legislative Franchise at Certificate of Public Convenience and Necessity mula sa Energy Regulatory Commission ang dating electric power provider.
Nakasaad din sa nasabing Executive Order na ayon sa Section 250(A)(1) ng Iloilo City Tax Ordinance No. 2007-016, binibigyan ng pagkakataon ang alkalde ng lungsod na bawiin ang business permit kapag may nilabag na batas.
Napag-alamang nabigo ang Panay Electric Company na magsumite sa itinakdang petsa ng Legislative Franchise at Certificate of Public Convenience and Necessity galing sa Energy Regulatory Commission.
Matandaan na bago ang pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine, ipinag-utos ni Judge Emerald Requina-Contreras ng Branch 23 ng Ramon Avanceña Hall of Justice, na ibalik ng More Electric and Power Corporation sa Panay Electric Company ang operasyon ng power distribution sa lungsod ng Iloilo.
Ito ay upang mabigyan ng pagkakataon ang Panay Electric Company na makapagsumite ng plea sa Energy Regulatory Commission.
Sa ngayon, ang mga personnel lang ng Panay Electric Company ang pinapayagan na makapasok sa substation na nakuha ng More Electric and Power Corporation sa pamamagitan ng Writ of Possession.