Hindi pa matukoy ngayon ng business sector kung ano ang magiging epekto ng pagkaka-aresto kay dating Pangulo Rodrigo Duterte sa sektor ng pamumuhunan sa bansa.
Ayon kay Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) chairman George Barcelon, hindi inaasahan ang nangyaring pag-aresto sa dating pangulo, at dahil biglaan, masyado pang maaga upang matukoy ang epekto nito sa business sector.
Para sa PCCI na siyang pinakamalaking business organization sa bansa, magpapatuloy pa rin ang operasyon ng mga negosyo sa buong bansa. Kung magkakaroon man ng epekto ang pag-aresto sa dating pangulo, posibleng makikita ito sa mga darating pang mga araw.
Ang tanging hiling lamang aniya ng PCCI ay mas kakaunting disruption upang magtuloy-tuloy ang paglago ng mga negosyo.
Giit ni Barcelon, magpapatuloy din ang kanilang pakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang foreign firm upang bumisita dito sa bansa at maglagak ng puhunan sa iba’t-ibang sektor.