-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Nagtakda na ang lokal na pamahalaan ng Kabacan, Cotabato na sa darating na September 18, 2019 ay dapat wala ng nakahambalang na mga establisyemento sa national highway para sa apat na barangay ng bayan.

Ito ang nilinaw ng lokal na pamahalaan ng Kabacan sa business sector na matatamaan ng nagpapatuloy na road clearing operation para sa road widening.

Matatandaang Agosto 28 ay nagsimulang magbaklas ang lokal na pamahalaan ng Kabacan sa mga nakahambalang na mga establisyemento sa kahabaan ng national highway partikular na sa mga barangay ng Kayaga, Poblacion, Osias, at Katidtuan.

Ipinaliwanag din ng lokal na pamahalaan ng Kabacan na bago pa man magsimula ang pagbabaklas at ang founding anniversary ng bayan ay nag-ikot na ang lokal na pamahalaan upang mabigyang kaalaman ang business sectors sa isasagawang road clearing.

Kaakibat nito ay ang pag-imbita sa DPWH-District Engineering Office I na magbigay linaw sa usapin ng road widening upang sa ganoon ay mas mapalawig pa ang pagkakaintindi ng publiko sa isinasagawang aktibidad.

Aminado naman si Kabacan Mayor Herlo Guzman Jr. na mahirap sa kanya ang pagbabaklas lalo pa’t alam nito ang halaga ng bawat pisong inilaan sa pagpapatayo ng isang gusali.

Subalit, nilinaw ng alkalde na ito’y pagsunod lamang sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte batay na rin sa inilabas na DILG Memorandum Circular No. 2019-121.

Samantala, hinimok ng alkalde ang lahat na mag kanya-kanya ng pagbabaklas at hindi hintayin pang ang lokal na pamahalaan ang magbaklas.