-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Patay ang isang businessman matapos pagbabarilin ng hindi nakilalang mga suspek sa Brgy. Guirang, Basey, Samar.

Kinilala ang biktima na si Sanny Verzoza, 44, residente ng naturang lugar.

Ayon kay Maj. Zaldy Cagampang, hepe ng Basey Samar, na base sa kanilang imbestigasyon ay nasa loob ng kanyang bahay ang biktima nang mapansin nito na mayroong dalawang lalaki sa labas ng kanilang tindahan.

Agad naman itong lumabas para tingnan ang mga ito at doon ay bigla na lamang itong pinagbabaril.

Nagtamo ang biktima ng tama sa ulo at sa iba pang bahagi ng kanyang katawan na naging dahilan ng agad na pagkamatay nito.

Patuloy pa ang ginagawang hot pursuit operation ng mga otoridad sa dalawang suspek na agad tumakas matapos ang insidente.