-- Advertisements --
image 176

Nagsimula nang magpakawala ng tubig ang Ipo Dam sa Bulacan dahil sa mga pag-ulang dulot ng bagyong Karding.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) kagabi nang nagsimulang magpakawala ang dam ng tubig.

Sinabi ng state weather agency na ang water level sa Ipo Dam ay nasa 100.63 meters kahapon at patuloy daw itong tumataas dahil sa malakas na pag-ulan.

Samantala, maging ang Bustos Dam na matatagpuan din sa Bulacan ay nagpakawala rin ng tubig bago pa tumama ang bagyong Karding sa naturang probinsiya.

Binuksan ang gate ng naturang dam dakong alas-10:30 at alas-11:00 kagabi.

Sinabi naman ni National Irrigation Administration head Benny Antiporda na bago pa man ang pagre-release nila ng tubig sa dam ay pinaabisuhan na nila ang mga residente sa lugar dahil sa posibleng pagbaha.

Base sa record mula sa NIA ang reservoir elevation ng dam ay nasa 16.80 meters habang ang spilling level ay nasa 17.35 meters.

Sinabi ng operation center ng naturang dam na ang preemptive release ng tubig ay hindi naman magdadala ng malawakang pagbaha sa Bulacan.

Pero inabisuhan pa rin daw ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office ang mga residenteng malapit sa Angat River na maging alerto.