BUTUAN CITY – Tuluyan nang naibalik sa laot ng mga tauhan ng Municipal Fishery Office sa bayan ng Buenavista, Agusan del Norte ang napadpad na butanding o whale shark kanina.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Elmer Maboloc, administrador ng nasabing munisipyo, tumimbang ang butanding ng 300 kilos at may habang 16 talampakan na nanghina na dahil sa sobrang babaw ng kanyang kinalalagyan sa border ng Barangay Manapa at Matabao.
Daling nagsumbong sa munisipyo ang iilan sa mga residente sa naturang dapit na nakakita nito kung kaya’t kaagad naman nilang nirespondehan.
Posible umanong hindi napansin ng butanding na nasa mababaw na bahagi na siya ng baybayin nang ito’y kumakain ng maliliit na isda lalo na’t fishing season ngayon sa nasabing bayan.