-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Ikinalungkot ng mga residente at ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pagkamatay ng isang lalaking butanding na natagpuan sa dalampasigan ng Brgy. Pawikan, Cataingan, Masbate.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Nonie Enolva, tagapagsalita ng BFAR Bicol, huling nakitang lumalangoy sa naturang bahagi ng karagatan ang butanding subalit pinaniniwalaang inabutan ng low tide.

Dahil dito, hindi nagawang makalangoy, nawalan ng oxygen hanggang sa namatay ang butanding.

Inilibing na lamang ang hayop na may 3 metro haba at 3 metric tons na bigat sa hindi kalayuan sa lugar kung saan ito natagpuan.

Nakitaan naman ito ng dalawang sugat sa dorsel fin na may habang anim na pulgada at ilan ring gasgas sa katawan.

Samantala, nag-abiso ang opisyal na mahigpit na ipinagbabawal ang paghuli ng mga endangered species na kung malabag ay posibleng umabot sa $1 million ang kakaharaping multa.