-- Advertisements --

Nakabuwena mano ng panalo ang Miami Heat sa unang laro ng kanilang Eastern Conference first-round series matapos ang 113-101 pagdomina sa Indiana Pacers.

Bumida sa Heat si Jimmy Butler na nagpasok ng 28 points, na dinagdagan ni Goran Dragic ng 24 points.

Hindi rin nagpahuli si Bam Adebayo na tumipa ng 17 points, 10 rebounds at anim na assists para sa Miami.

Pumukol ng 3-pointer si Butler sa 3:26 na natitira sa final canto upang itulak ang anim na puntos na lamang sa 104-95 abanse.

Nagwagi rin si Butler sa jump ball kasama si T.J. Warren, at kalaunan ay nagpakawala itong muli ng isa pang tres sa huling 2:29.

Hindi naman nagbunga ang tig-22 points na nirehistro nina TJ Warren at malcolm Brogdon para sa Pacers.

Habang si Pacers star Victor Oladipo ay nalimitahan lamang sa walong minuto nang matamaan ng kamay ni Jae Crowder ng Miami ang kanyang kaliwang mata sa natitirang 3:26 ng unang quarter.

Ipinasuri na rin daw ni Oladipo sa on-campus clinic ang kanyang mata, na wala namang nakitang problema.

Sa kabila nito, sasailalim pa rin ito sa monitoring sa mga susunod na araw.

Tangan ng Miami ang 72-62 abante sa kalagitnaan ng third quarter, ngunit nagawa ng Indiana na matapyasan ang iskor sa 81-80 papasok ng final canto.