-- Advertisements --
76ers
Philadelphia 76ers/ Photo courtesy of NBA

Humakot ng 25 points si Jimmy Butler upang tulungan ang Philadelphia 76ers sa 112-101 victory kontra sa Toronto Raptors at maipilit sa do-or-die na Game 7 ang kanilang Eastern Conference semifinal series.

Nag-ambag ng 21 points si Ben Simmons para sa 76ers, na pinantay na sa 3-3 ang kanilang serye ng Raptors.

Bagama’t hindi naging maganda ang pakiramdam, hindi pa rin nagpaawat si big man Joel Embiid na nagpakawala ng 17 points at 12 rebounds.

Agad na nagpasiklab sina Butler at Simmons sa first half kung saan ipinamalas nila ang lakas at pagiging agresibo sa laro.

Nakinabang din ang Sixers sa kontribusyon ng kanilang mga bench players gaya nina Mike Scott at James Ennis III.

Namuno naman sa hanay ng Toronto si Kawhi Leonard na bumuslo ng 29 points.

Naging sandigan din ng Raptors sina Leonard at Pascal Siakam pagdating sa opensa, ngunit hindi ito sapat para ibangon ang kanilang koponan sa malamya nilang shooting.

Susubukan naman ng Raptors na makabawi sa Game 7 na dadalhin sa kanilang baluwarte sa Toronto sa araw ng Lunes.