Nagbuhos ng season-high 38 big points si Jimmy Butler upang pamunuan ang Miami Heat sa pagtambak sa dati nitong team na Philadelphia 76ers, 137-106.
Umalalay din si Goran Dragic na nagpakawala ng 24 points para sa Heat, na nagtakda rin ng franchise-record 81 points pagsapit ng second half.
Hindi rin nagpaawat sina Duncan Robinson na umiskor ng 19 at si All-Star Bam Adebayo na nagtapos na may 18 points, 11 assists at walong rebounds.
Wagi rin ang Miami sa serye sa 3-1.
“We just want to get better as the season goes on and we knew that this game was important just from the standpoint of being able to go up 3-1 against one of the teams we’re jostling against in this competitive Eastern Conference,” wika ni Heat coach Erik Spoelstra. “It matters.”
Nagsilbi namang top scorer sa Philadelphia si Joel Embiid na tumabo ng 29 points at 12 rebounds.
“We’re not playing defense the way we can play defense,” ani 76ers coach Brett Brown. “It starts and almost stops there for me.”
Sa Washington, tumipon ng 30 points si Alec Burks upang masilat ng Golden State Warriors ang Wizards, 125-117.
Hindi naman naging sapat ang double-double ni Kevin Love dahil yumuko ang Cleveland cavaliers sa New York knicks sa overtime game, 139-134.
Sa Atlanta, nagtala ng 28 points si Jayson Tatum para akayin ang Boston Celtics sa panalo kontra Hawks, 123-115.
Sumandal naman kay Kriztaps Porzingis na humakot ng 38 points at 12 rebounds para magwagi ang Dallas Mavericks laban sa Indiana Pacers, 112-103.
Tinuldukan ng Orlando Magic ang kanilang five-game losing streak makaraang itumba ang Charlotte Hornets, 112-100.