-- Advertisements --
Miami Heat Tyler Herro
Photo from @MiamiHEAT

Buhos pa rin ang tinatanggap na papuri ng Miami Heat rookie guard na si Tyler Herro lalo na sa kanyang mga teammates matapos na maging bayani sa panalo sa Game 4 laban sa Boston Celtics.

Ayon sa Miami All-Star na si Jimmy Butler noon pa man hinuhulaan na niya na gagaling pa si Herro.

Lalo raw itong mamahalin ng Miami dahil sa maayos nitong pag-uugali na “on and off the court.”

Dagdag pa nito, magiging mahalaga umano ang papel ni Tyler sa susunod pang mga taon sa kanilang koponan.

“I said it earlier in the year: Miami is going to love him. They are going to fall in love with him,” ani Butler. “I know that they are and I know that they have.”

Aminado naman si Herro, 20, na kabilang sa kanyang tinitingala sa team ay si Butler, 31, na mistula na niyang big brother.

Sinabi naman ni Butler, masaya sila at nakikita nilang malakas ang loob at kumpiyansa ni Herro sa pagdadala ng bola.

Sa kabila nito, ang kanilang pagsisikap at panalo ay ordinaryo lamang sa isang araw lalo na at hindi pa tapos ang serye sa Eastern Conference finals.

Sa ngayon nasa 3-1 na ang Heat at isang panalo na lamang ay pasok na sila sa NBA finals.

Para naman sa veteran Heat guard na si Goran Dragic, naniniwala raw sila sa kakayahan ni Herro kaya ibinibigay nila rito ang bola.

Tyler Herro miami
Miami Heat rookie guard Tyler Herro (photo @MiamiHEAT)

Kung maalala ginulat ng rookie mula sa bench ang mundo ng basketball nang magtala ito ng record na 37 points upang tulungan ang team na makalusot sa Boston.

Nagbuslo rin siya ng record na 14-for-21 kabilang na ang limang 3-pointers.

Batay sa NBA history, siya ang tanging ikalawang player na edad 20-anyos o pababa na tumipon ng maraming puntos sa playoffs.

Ang unang nakagawa lamang nito ay si Lakers legend Magic Johnson noong kanyang kabataan pa.

Kuwento naman ng All-Star big man na si Bam Adebayo, hindi na siya nasorpresa sa ginawa ni Herro dahil sa training pa lamang ay grabe na raw ang “work ethic.”

“He comes in the gym every day, great work ethic, great dude,” sambit pa ni Adebayo.

Maging ang kanilang Filipino American coach na si Erik Spoelstra ay hindi rin naitago ang pagbubunyi sa kagalingan ni Herro.

Isa raw sa nagustuhan ni Spoelstra ay ang pagiging humble nito at bukas na turuan ng mga beterano sa kanilang team.

Tyler Herro celtics
Photo from @MiamiHEAT

Ito umano ang dahilan kung bakit nag-uumapaw ang kumpiyansa nito sa loob ng court.

Pero ipinaalala ni coach na kung tutuusin noong nakaraang taon pa man ay nagpapakita na ng kanyang “great moments” si Tyler pero “underrated” lamang daw sa iba ang kakayahan nito.

“He has a confidence. He has a fearlessness that is uncommon,” paliwanag pa ni Spoelstra na ang ina ay isang Pinay. “But he’s humble enough to work, to be coachable.”

Sa kabila nang inaaning mga pagpupugay, para naman kay Herro kalmado lamang ito na nagsabi na gagawin lamang niya ang inaasahan sa kanya ng team.

“I’m just going to bet on myself,” wika pa ni Herro.