BUTUAN CITY – Pumalo na ngayon sa 57 ang total confirmed COVID-19 cases sa Caraga Region matapos iniulat ng Department of Health (DOH)–Caraga ang nadagdag na 25 mga bagong kaso.
Ayon kay Dr. Jose Llacuna, Jr., regional director ng DOH-Caraga na sa 25 mga bagong kaso, 16 nito ay mula sa Butuan City; tigdadalawa sa bayan ng Buenavista, Agusan del Norte at Prosperidad, Agusan del Sur; Bislig City sa Surigao del Sur habang tig-iisa naman sa lalawigan ng Surigao del Sur, bayan ng San Francisco, Agusan del Sur at Lingig, Surigao del Sur at isa naman ang imported case mula sa Zamboanga del Sur.
Kinabibilangan ang mga bagong kaso ng mga Returning Overseas Filipinos (ROFs), Local Stranded Individuals (LSIs), isang health worker at isang transient na mula sa Zamboanga del Sur na parehong asymptomatic maliban lamang sa isa na may mild symptoms.
Kinumpirma din ng opisyal na naitala na ang local transmission sa Butuan City dahil tatlo sa mga nagpositibo ay walang travel history sa mga lugar na may kaso at hindi rin na-expose sa COVID-19 patient.
Sa ngayo’y umabot na sa 43 ang cumulative probable cases kungsaan 12 pa ang nananatiling admitted at 12 iba naman ang naka-strict home quarantine at nananatili naman sa 163 ang mga cumulative suspect cases sa buong rehiyon.
Nanawagan ang DOH sa mga Caraganons na palaging sundin ang minimum health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask, palaging maghugas ng kamay at pananatiling malusog ang pangangatawan upang makaiwas sa coronavirus.