-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Nakatakdang i-turn-over sa Siargao Island Protected Landscape and Seascape (SIPLAS) ang nahuling buwaya sa may Purok-2, Barangay Sabang, Surigao City sa lalawigan ng Surigao del Norte.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Tubod, Surigao del Norte Community Environment and Natural Resources Officer (CENRO) Ruel Efren na nasa bayan ng Del Carmen sa nasabing probinsya ang tirahan ng mga saltwater crocodiles kung kaya’t doon ito pakakawalan.

Nalaman naman na nasa mabuting kondisyon ang buwaya nang ito ay suriin ng veterinarian habang temporaryong nasa kostudiya ng Surigao Del Norte Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO).

Ayon kay Efren, ipinagbigay-alam na lamang sa kanilang tanggapan ang pagkakahuli ng buwaya ni Cerelo Minggulias pasado alas-5:30 nitong nakalipas na umaga ang buwaya na may haba na limang talampakan at tinatayang nasa edad na tatlong taon hanggang limang taong gulang na.