Tatalima ang Kamara sa kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte na tuluyang ipagbawal ang paggamit at pagbenta ng vape at heated tobacco products sa bansa.
Sa panayam sa chairman ng komite na si Albay Rep. Joey Salceda, sinabi nitong aalisin nila ang Section 2 ng Republic Act No. 11346 na nagtatakda nang pagpapataw ng excise tax sa mga vape at tabacco heated products.
Gagawin aniya nila ito sa oras na matalakay na sa bicameral conference committee ang House Bill 1026 na layong taasan ang sin tax sa mga sigarilyo kasama na ang mga electronic cigarettes o vape products, na kasaluyang nakasalang naman sa plenaryo ng Senado
“Siyempre susunod kami. Pagdating po ng bicam ay aalisin po namin. We’ll let the DOH, sila na lang po ang mag-manage niyan. Tax policy will no longer one of the state tools in controlling the negative effects of vape on health. It becomes now totally a health issue, no longer a tax issue,” ani Salceda.
Sa tantya ng kongresista, papalo sa P1.4 billion ang mawawala sa kikitain ng gobyerno sa oras na tuluyan nang ipagbawal ang paggamit at pagbenta ng vape at mga heated tobacco products.
Sa ilalim ng batas, gagamitin ang kikitain mula sa sin tax products sa implementasyon ng Universal Health Care Law.
Pero ayon kay Salceda, maari naman bawiin ang mawawalang kita sa vape at heated tobacco products naman sa buwis na ipinapataw sa mga alcohol products.
“We can make up for it in the other tax, on the other components of the Sin Tax measures. So I don’t think we will allow the UHC to be jeopardize by the ban. In fact it can be helpful if the DOH can implement the ban on vapes,” dagdag pa ni Salceda.