Kinumpirma ni National Food Authority (NFA) administrator Larry Lacson na mananatili sa halagang P30 kada kilo ang buying price para sa palay maliban na lamang kung ito ay repasuhin ng NFA Council.
Ito ay para matiyak na ma-maximize ng mga lokal na magsasaka ang kanilang kita.
Matatandaan na noong kalagitnaan ng Abril ngayong taon, tinaasan ng NFA Council ang buying price ng palay sa P17 hanggang P30 kada kilo para matulungan ang ahensiya na makapag-compete sa pribadong traders.
Sa ngayon ay nasa Davao Oriental ang NFA official kasama ang ilang miyembro ng konseho para magsagawa ng dayalogo kasama ang mga magsasaka at empleyado ng NFA.
Sa naturang dayalogo, iniulat ng mga magsasaka ang mataas na agricutural productivity at kahalagahan ng pagtaas ng income o kita dahil sa suporta ng gobyerno gaya ng mga subsidiya para sa makinarya, mga punla at mas mababang labor costs dahil sa mekanisasyon.
Nagsagawa din ng inspeksiyon ang NFA officials sa mga pasilidad at imbentaryo ng bigas.