Tinaasan ng National Food Authority (NFA) Council ang pagbili ng kada kilong presyo ng dry at clean palay maging sa fresh palay.
Ito ay sa layuning mapataas ang buffer stock ng ahensiya at mas maging competitive sa merkado.
Inanunsiyo ito ni Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary at spokesperson Arnel de Mesa.
Ayon kay ASec. De Mesa, ang bagong buying price para sa dry at clean ay itinaas sa P23 hanggang P30 kada kilo mula sa dating P19 hanggang P23 kada kilo.
Habang para sa fresh palay naman, ang buying price ay itinaas sa P17 hanggang P23 kada kilo mula sa P16 hanggang P19 kada kilo.
Iniulat din ng DA official na ang average na farmgate price ngayon ng palay sa bansa ay nasa P26.9 kada kilo habang ang buying price ng NFA ay nasa maximum na P23 kada kilo lamang.
Dagdag ng opisyal na walang mabibiling palay o kaya naman ay napaka-minimal na lamang ang kayang bilhin sa dating buying price ng palay kaya bahagyang tinaasan ito para makahabol ang NFA sa presyong iniaalok ng traders sa ngayon.
Una ng inamin ng NFA na nahaharap sa ilang hamon ang ahensiya sa pagbili ng palay sa kasagsagan ng anihan dahil mas mataas ang iniaalok ng traders sa pagbili ng palay kumpara sa NFA.