-- Advertisements --

AUBURN HILLS, Michigan – Swerte pa rin sa huli at namayani ang Miami Heat kontra sa Detroit Pistons, 97-96.

Naging bayani sa panalo ng Heat si Hassan Whiteside matapos ang kanyang tip-in mula sa sablay na tira ni Goran Dragic.

Si Whiteside ay may bendahe ang kanang kamay dahil sa sugat kung saan umabot pa sa 13 ang tahi, pero ang ginamit niya sa buzzer beater at winning shot ay ang kanya namang kaliwang kamay.

Maituturing na big win ang nakuha ng mga bata ng Filipino-American coach na si Erik Spoelstra para patibayin pa ang kanilang hawak sa number eight spot sa Eastern Conference.

Ayon kay Spoelstra matindi umano ang paghahangad ng mga player na maipanalo ang laban.

Si Dragic ay may kabuuang 28 points habang si Whiteside naman ay nagtapos sa 17 points at nine rebounds para sa 36-38 record ng Heat.

Ang guard na si Dion Waiters ay bigo pa ring makapaglaro sa team dahil sa left ankle injury at wala pang kasiguraduhan ang pagbabalik.

Sa ngayon nakatipon na ang Miami ng 25 wins mula sa huling 33 games.

Sa panig ng Pistons (34-41) nanguna naman si Kentavious Caldwell-Pope sa kanyang 25 points at si Tobias Harris at Ish Smith ay kapwa may tig-19 na puntos.

Sunod na makakaharap ng Miami ay ang New York Knicks sa Huwebes.