
Ipinag-utos na ng Court of Appeals (CA) ang pagpapalaya sa 4 na Chinese national na dinala sa kustodiya ng kapulisan kasunod ng nangyaring raid sa Philippine offshore gaming operator (POGO) hub sa Las Piñas noong Hunyo 27.
Sa isang desisyon na nilagdaan ni Associate Justice Rex Pascual, ipinag-utos ng CA sa National Capital Region Police Office at Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group ang agarang pagpapalaya kina Ang Chin Keong, Choo Jun Cheng, Choo Wei Jazz at Edy.
Ito ay matapos na katigan ng CA ang habeas corpus petition na inihain ng mga manggagawang Tsino at nagpasya na sila ay ikinulong ng kapulisan ng labag sa batas.
Ang apat nga na Chinese national ay kasama sa 2,700 na pinaniniwalaang mga biktima ng human trafficking na nasagip sa ikinasang raid kung saan ilan pa rito ay Vietnamese, Malaysian at Filipino nationals.
Bagamat pinalaya na ang mga Pilipinong manggagawa, nanatili pa rin sa Hong Tai compound ang apat na Chinese nationals nang labag sa kanilang kalooban at wala umanong running water at rasyon na pagkain.
Sinabi ng CA na ang temporary protective custody ng apat na Chinese nationals ay walang legal na basehan.
Nabigo din aniya ang PNP na hingin ang permiso ng apat na Chinese national para sa protective custody at repatriation kung saan iginiit ng mga ito na legal naman silang pumasok sa Pilipinas at mayroon silang hawak na ng valid passport at may working o tourist visas.
Nauna na ring itinanggi ng POGO na Xinchuang Network Technology Inc. ang pagkakasangkot nito sa umano’y human trafficking.