-- Advertisements --

Itinalaga ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte si Court of Appeals (CA) justice Amy Lazaro-Javier bilang bagong Supreme Court (SC) associate justice.

Ito ang kinumpirma ni Executive Secretary Salvador Medialdea kung saan si Javier ang papalit kay Associate Justice Noel Tijam na nagretiro na kamakailan.

Si Javier ay pang-pitong puwesto lamang sa shortlist na isinumite ng Judicial and Bar Council (JBC) kay Pangulong Rodrigo Duterte na may botong anim (6).

Siya ay nagtapos na magna cum laude sa Philippine Normal University (PNU).

Magugunitang sa interview ng JBC, tahasang inihayag ni Javier na hindi kaaway o kalaban ng mga kababaihan si Pangulong Duterte.

Si Javier na nagdiwang ng kanyang ika-60 kaarawan noong November 16, 2018 kung saan 40 taon nagserbisyo sa gobyerno kasama na ang anim na taon bilang public school teacher ay nagsabi sa JBC interview na “I really believe that this is the moment.”

Una nang kinumpirma rin ni Go na itinalaga ni Pangulong Duterte si Tijam bilang academe representative sa Judicial and Bar Council (JBC).

Si Tijam ay nagretiro nito lamang nakalipas na Enero 5 sa edad na 70.